Sunday, July 20, 2008

Pambungad sa nagbabalik na isyu ng Tilamsík


tilamsík n.Kpm. Tg.splash (of water); spark (of fire, especially from the forge). Syn. tilabsík, tibalsík, pilansík; cf. talsík.—Bk.tipsik, tapasak; Kpm. lisik (cf.Tg. lisik); Hlg. Asik, pisík (cf. Tg. pisík); Hlg. Tg. talsík; Ilk. Parsíak, aringasang; Ind. Tyebar-tjebur; Mal. Pelanchit, chebor; Mar. taoig, kaias (cf. Tg. kayas); Png. polasí; Sb. tuasik, pisik (cf. Tg. pisik); SL. Tg. tabsík.

Ito ang nakasaad na entri sa salitang tilamsík sa Diksyunaryo-Tesauro PILIPINO-INGLES ni Jose Villa Panganiban. Tumutukoy sa apoy at tubig, pawang elementong nagbibigay buhay. Ang dyornal na ito, sa kabila ng maraming pagkukulang, ay naghahangad na makapagbahagi ng tilamsik ng kaalaman. Kahit papaano. Kahit kaunti.

Samantala, ang mga salitang Tingni, buksi, basahi na nakapabalat sa dyornal ay wala sa diksyunaryo ni Panganiban. Minsan na rin akong inusisa ng isang estudyante ko sa Fil01 kung ano ang paliwanag sa kontrapsiyon ng mga salitang ito na buhat sa mga salitang tingnan (salitang-ugat, tingin), buksan (bukás, o open sa Ingles, ang salitang-ugat), at basahin (basa, o read naman sa Ingles), na bagamat nauunawaan ng maraming taga-Quezon ay wala pang makaagham na paliwanag sa pagkakaalam ko. Naniniwala akong magandang launch pad ng higit pang malalim na pag-aaral sa wikang lalawiganin ang paksang ito upang magkaroon ng institutionalized na paliwanag. Magandang simulan ito sa ating unibersidad.

Hindi nangangahas ng mala-Julio Cesar na Veni Vidi Vici ang dyornal na ito. Sa katunayan, ngayon pa lamang ay maghuhugas-kamay na kami, kaming bumubuo sa editorial board, sa mga pagkukulang na maaari ninyong mapuna.

Laman ng dyornal ang mumunti naming ambag. Kaya nga tilamsík. Naniniwala kami na sa tilamsík nagmumula ang marami, malalaki, at mga engrandeng bagay.

Inilalapit ng piyesa ng dekana ng aming kolehiyo, Dr. Leonisa O. Bernardo, ang pisika, at ang agham sa kabuuan, sa mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng makabagong dulog at sipat sa paksa. Samantala, tinatangka namang bigyan ng linaw ni Aurelio Teodoro D. Maguyon III ang pagbabago o change bilang mulaan ng pilosopiya. Contrasting ang paksa ng dalawang sulatin. Bagay na nagpaganda sa timbang ng dyornal. Tandaan ang kabuluhan ng tilamsík sa diksyunaryo: tubig at apoy—contrasting din.

Ang panitikan ay binabasa sa iba’t ibang konteksto. Kumakawala sa mga nakasulat na simbolo o titik ang pagbasang Marxist at New Historicism upang dalhin ang pagsusuri sa kasaysayan at kaligiran ng isang akda. Sa panukat na ito, pangunahing salik ang kasaysayan at uri o class sa batayan ng paglikha ng isang nakasulat na obra. Kasama sa akda ni Prof. Godofredo B. Queddeng ang panimulang tala at paliwanag sa teoryang ito ng panitikan. Na kaugnay naman ng repleksiyong isinulat ni Joselito D. Delos Reyes hinggil sa sining ng mapamuwersang pagbasa sa mag-aaral ng unibersidad. Tinatalakay ng sanaysay ang malawakang sakit ng hindi pagbabasa ng Filipino batay sa mga nauna nang pagsusuri ng ibang guro at dalubhasa ng wika at panitikan.

Tatlong napapanahong akda naman ang nirebyu sa dyornal. Ang akda ni Thomas Moore, isang aklat tungkol sa epektibong pamumuno, at ang tinipong best practices hinggil sa makabagong pag-aaral ng journalism gamit ang internet. Tinalakay ito nina Prof. Julia Lea B. Radovan, Bb. Lea M. Salvanera, at Bb. Mary Jane S. Camarador.

Boluntaryo ang pagbibigay ng papel para sa dyornal na ito (na huling balita namin buhat sa aming dekana ay gagawin nang may tiyak na labas ang isyu, at may tiyak na ring editorial board). Sumailalim sa “bahagyang” editing ang ilan. At may ilan din namang inirereserba para sa susunod na isyu ng tilamsík. Uulanin ng maraming puna ang isyung ito dahil may pangamba kaming may ilang magaspang na bahagi pang hindi nadaanan ng mata at pulang bolpen dahil sa kakapusan ng oras. Ito ang aming hugas-kamay. Na nawa’y hindi makababawas sa ringal ng dyornal na ito.

At gaya ng sinasabi ng pabalat—Tingni, buksi, basahi—halina kayong pumasok sa aba naming nakayanan. Sama-sama tayong matilamsikan!

No comments: